Madalas nating naririnig ang salitang devotion, pero ano ba ang ibig sabihin nito? Bakit kailangan natin itong gawin? At paano ba ito ginagawa?
Nai-imagine mo ba kung isang beses ka lang kumain sa isang linggo? Ano kaya ang maaaring mangyari sa iyong katawan kung ganito nga ang mangyari?
Kung ang ating katawan ay kailangan ng regular na nutrisyon para tayo ay manatiling malusog at malakas, gayundin naman kailangan ng ating espiritu ang regular na nutrisyon na nanggagaling sa Salita ng Diyos para manatiling malusog at malakas.
Ang sabi ni Hesus, “sinabi sa Scripture, hindi lang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang nanggagaling sa bibig ng Diyos” – Matthew 4:4.
Hindi sapat ang once a week na pagkain para maging malakas. Hindi sapat na mag-rely tayo sa once a week lang na pakikinig ng preaching sa church. Kailangan natin mag-devotion para mabigyan ng sapat na nutrisyon ang ating espiritu.
At dito pumapasok ang pagkakaroon ng regular devotion.
Ano ba ang devotion? Para saan ba yun?
Ang pagkakaroon ng devotion ay paglalaan ng oras sa pagbabasa at pagme-meditate ng Salita ng Diyos. Tinatawag din itong quiet time.
Ang devotion ay paglapit sa Diyos at pakikipag-usap sa kanya. Maging si Jesus ay nagbibigay ng oras para mapag-isa at makipag-usap sa kanyang Ama. Kahit sobrang busy ng ministry niya, hindi siya nakakalimot.
Gayundin ang ine-expect sa atin bilang mga mananampalataya. Sa kabila ng pagiging busy natin sa trabaho o pag-aaral, kailangan nating maglaan ng oras para makipag-usap at makipag-fellowship sa Diyos.
Ang tunay na pinagpala, sabi sa Psalm 1:2, ay “kasiyahan niyang sumunod sa kautusan ni Yahweh. Binubulay-bulay niya ito sa araw at gabi.” Wala nang mas hihigit pa sa pagpapalang hatid ng pakikipag-usap sa Diyos araw-araw!
Ang pagkakaroon ng devotion ay hindi lang basta pagkakaroon ng points sa checklist o dahil pinagagawa ito sa atin ng iba. Ito ay pagpapakita na mahalaga sa atin ang relasyon natin sa Diyos, at priority natin na marinig ang kanyang Salita.
Ang reminder ni Jesus sa atin bilang mananampalataya, “Kung mahal niyo ako, susundin niyo ang mga utos ko” (John 14:15). Magsimula tayo sa paglalaan ng oras sa Salita ng Diyos.
Paano ba mag-devotion?
Bago tayo magsimula, narito ang ilan sa mga paalala para maging mas meaningful ang ating devotion.
- Ihanda ang Bible, journal o notebook, panulat at highlighter. Makakatulong din kung may sinusunod kang Bible Reading Plan para maging gabay mo sa araw-araw kung saang bahagi ka ng Bible magbabasa.
- Mag-set ng oras na active pa ang isip at katawan. Para sa marami, best time ang umaga habang fresh pa ang isip at tulog pa ang lahat. OK din naman ang gabi, bago matulog. Kung ano ang mas applicable sa sitwasyon mo.
- Humanap ng lugar kung saan walang distraction. Isang lugar na malaya kang makakapagbasa at makakapanalangin at hindi ka mako-conscious o maaabala ng iba.
- Magkaroon ng bukas na puso at isip. Maging bukas sa pagbabagong maaaring gawin ng Diyos sa buhay mo habang nagpapasakop ka sa kanya.
Maraming paraan para mag-devotion, pero ang pinaka-simple ay ang paggamit ng SOAP Method. Ito ay acronym na ang ibig sabihin ay Scripture-Observation-Application-Prayer. Ang apat na letrang ito din ang magiging guide natin kung paano ba ito ginagawa.
S – Scripture
Sa pagbabasa mo ng Bible, may mga verses na tiyak na mangungusap sa iyo. Markahan mo na agad ang mga verses na yun! Kaya magandang magkaroon ng sariling Bible, para pwede mong sulatan at lagyan ng highlights. Maaaring may gustong sabihin ang Panginoon sa iyo sa pamamagitan ng mga verses na ito kaya wag mong palampasin ang pagkakataon.
Kung sakaling maraming verses kang namarkahan, pumili lang ng isa – yung pinaka-nangusap sa iyo sa araw na yun, at isulat mo sa iyong journal o notebook. Ito ang iyong Scripture sa devotion mo.
O – Observation
Sa bahaging ito ng pagbabasa ng Bible, alamin mo kung ano ang nais sabihin ng Diyos sa pamamagitan ng verse na napili mo. Makatutulong na alamin ang background ng verse. Bakit ba ito sinabi? Sino ang nagsabi? Anong mga kaganapan kung bakit ito naisulat? Masaya ba ang mood ng verse? Galit? Takot? Nagpapaalala? Saan ito nangyari? Pansinin din kung may mga salitang paulit-ulit na binabanggit, o may mga comparisons na ine-emphasize. Tignan din kung may mga mga instructions, promises, at mga warnings.
Sa observation, ine-engage natin ang Salita ng Diyos. Kinakausap. Tinatanong. Ang sabi sa Hebrews 4:12, ang Word of God ay buhay at mabisa (living and active) kaya habang tayo ay kinakausap ng Diyos sa pamamagitan ng Bible, maaari din natin itong kausapin sa pamamagitan ng Holy Spirit!
Isulat sa bahagi ng Observation kung ano ang mga discoveries mo patungkol sa verse. Hindi kailangang mahaba. Ang mahalaga, maisulat mo kung ano ang mensahe ng Diyos sa pamamagitan ng verse na napili mo.
A – Application
Ito na ang best part at ang pinakamahalagang bahagi ng ating devotion. Anong ibig sabihin para sa iyo ng verse? Paano mo ito magagamit sa araw-araw na buhay? Isulat mo sa Application ang mga praktikal na paraan kung paano mo isasabuhay ang mensahe ng Diyos.
Sa pagsulat mo ng application, iwasan ang pagsulat ng masyadong generic na action plan. Halimbawa, instead na, “magiging mabait na ako sa aking kapatid,” pwede mong isulat na “kakausapin ko nang mas mahinahon ang kapatid ko para hindi na kami mag-away.” Isa pang halimbawa, instead na “I will love my neighbors,” isulat na “sisimulan ko nang kaibiganin ang kapithabay ko na si Aling Marites at kanyang mga anak. Ipapanalangin ko na rin sila.” Mas specific, mas maganda.
May mga pagkakataong marami kang application na makikita sa pagbabasa mo ng Bible. Pero ang suggestion, pumili lang muna ng isa.
“Bakit hindi pwedeng marami?“
Mas magandang mag-focus ka muna sa isang bagay na pinapagawa sa iyo ng Panginoon at maging committed ka sa application nito, kaysa sa marami tapos mami-miss out mo rin sa paglipas ng araw. One at a time, hanggang sa maging lifestyle na natin ang pinagagawa ng Panginoon.
P – Prayer
Bago tayo magtapos sa ating devotion, siguruhin na magtapos sa prayer. Isulat mo ang Prayer na tungkol sa devotion mo sa araw na iyon sa notebook.
“Bakit kailangang isulat? Hindi ba pwedeng bigkasin ko na lang?“
Mas magandang isulat ang prayer dahil maari mong ma-monitor kung paano ka naggo-grow spiritually habang patuloy kang nagde-devotion. Makikita mo na sinasagot ni Lord ang prayers mo. Mamamangha ka na hindi nalilimutan ng Diyos ang kanyang mga pangako.
Magandang isulat din ang prayer bilang katunayan na seryoso tayo sa pinagagawa sa atin ng Panginoon at sa paglago bilang Christian. Dahil ang pagde-devotion ay isang spiritual exercise, sini-selyuhan natin ang ating commitment at ina-acknowledge na tanging sa pamamagitan lang ng tulong at gabay ng Diyos natin magagawa ang lahat ng sinulat natin sa Application.
Ang Role ng Holy Spirit
“Natatakot ako, hindi naman ako marunong sa Bible. Baka hindi ko maintindihan ang binabasa ko.”
Siguro ay nasabi mo na yan. Pero may good news para sa iyo! Kasama mo ang Holy Spirit para maunawaan mo ang sinasabi ng Bible. Basahin ang mga sumusunod na verses. Nilagyan ng emphasis ang mga mahahalagang salitang dapat mong bigyang pansin:
“Dadating ang Holy Spirit para tulungan kayo. Ipapadala siya ng Ama sa pangalan ko. Ituturo at ipapaalala niya sa inyo ang lahat ng mga sinabi ko.” – John 14:26
“Pag dumating na ang Espiritu, iga-guide niya kayo at ipapakita niya sa inyo ang lahat ng katotohanan. Di siya magsasalita sa sarili niya lang, pero sasabihin niya lahat ng naririnig niya at ang mga bagay na dadating pa.” – John 16:13
Ibig sabihin, tutulungan tayo ng Holy Spirit sa ating pagbabasa ng Bible.
- Siya ang nagtuturo at nagpapaalala sa atin ng mensahe ng Panginoon.
- Siya rin ang gumagabay, nagpapakita at nagsasabi sa atin ng mga bagay na gustong ipaalam sa atin ng Diyos.
Kaya wag tayong matakot o mabahala. Dahil spiritual activity ang pagde-devotion, makasisiguro tayong hindi tayo pababayaan ng Holy Spirit! Ang gagawin lang natin ay mag-commit sa pagkakaroon ng regular devotion, magpagabay sa Holy Spirit, at maging handa sa gagawin ng Panginoon!
May regular devotion ka na ba? Kung wala pa, kailan mo planong simulan?